Patuloy na pinatutunayan ng Isabela State University (ISU) ang kanilang kahusayan sa larangan ng akademya matapos makapagtala ng 100% passing rate para sa kanilang mga first-time takers sa June 2025 Special Professional Licensure Examination for Architects.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Crestian Agustin, ang Dean ng College of Engineering, Architecture and Technology ng ISU-City of Ilagan sinabi niya na malaking tagumpay ito lalo na’t mas mataas ang kanilang performance kumpara sa national passing rate na 49.37%, na nagpapatunay sa dedikasyon ng unibersidad sa paghuhubog ng mga globally competent at board-ready professionals.
Ipinapaabot ng pamunuan ng ISU ang taos-pusong pagbati sa mga bagong lisensyadong arkitekto at sa mga akademikong yunit na naging gabay nila sa pag-abot ng tagumpay na ito.
Aniya ito ang unang pagkakataon ngayong taon na nagkaroon ng nasabing pagsusulit na ginagawa sa ibang bansa.
Aniya ang mga nakapasa ay first-time takers na pagkatapos ng pag-aaral dito sa Pilipinas ay kinailangan nang mangibang bansa at doon na lamang kumuha ng pagsusulit bilang bahagi ng promosyon sa kanilang trabaho.
Pareho lamang naman aniya ang mga nilalaman ng pagsusulit kung ikukumpara sa ginagawa ng Professional Regulation Commission dahil may representative ang PRC na nagtutungo para magpa-exam.
Masaya naman niyang ibinahagi na top performing sa pagsusulit ang banner courses ng ISU Ilagan pangunahin ang Architecture at Engineering.











