--Ads--

Pumanaw na ang dalawang empleyado matapos ang naganap na pagsabog sa isang pagawaan ng bala sa lungsod ng Marikina.

Kinumpirma ni Police Colonel Geoffrey Fernandez, hepe ng Marikina City PNP, na hindi na umabot sa matagalang gamutan ang dalawang biktima dahil sa matitinding pinsalang tinamo sa katawan.

Isa pa nilang kasamahan ang sugatan at kasalukuyang ginagamot.

Ang mga biktima ay mga manggagawa ng Armscor Global Defense Incorporated, isang kumpanyang gumagawa ng mga bala, nang biglang sumabog ang primer—isang pangunahing sangkap sa paggawa ng bala—bandang alas-2:15 ng hapon.

--Ads--

Ilang oras matapos ang insidente, binawian ng buhay ang dalawang biktima habang nilalapatan ng lunas sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center, sanhi ng matinding sugat sa dibdib na dulot ng mga tumamang shrapnel.

Tiniyak naman ng kumpanya na nakahanda silang makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang sanhi ng insidente.