--Ads--

Ipinahayag ng Teacher’s Dignity Coalition (TDC) ang kanilang pagkadismaya sa pagpapatigil ng implementasyon ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) para sa mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay TDC Chairperson Benjo Basas, sinabi niyang nakatali ang kamay ng Department of Education (DepEd) sa usapin dahil ito ay nakabatay sa isang batas na nagpapasuspinde sa naturang programa.

Ayon sa kanya, nakalulungkot ang hakbang na ito dahil tila nagbabalik ang sistema ng edukasyon sa panahong bago ipatupad ang K to 12 Program, gayong matagal na itong itinaguyod ng mga eksperto sa wika at edukasyon.

Para sa grupo, ang paggamit lamang ng Ingles at Filipino (Tagalog) ay hindi pabor sa mga batang nag-aaral sa mga liblib na lugar na hindi bihasa sa mga nabanggit na wika. Naniniwala silang ito ay isang uri ng disadvantage para sa mga batang mas komportable sa kanilang katutubong wika o Mother Tongue.

--Ads--

Aminado si Basas na hindi perpekto ang MTB-MLE at may mga kahinaan ito, ngunit hindi ito sapat na dahilan upang tuluyang ihinto ang programa. Sa halip, dapat aniyang magsilbing hamon ito sa gobyerno at sa mga guro upang pag-ibayuhin at paunlarin pa ang programa—gaya ng paglalaan ng pondo para sa mga aklat at iba pang gamit pang-edukasyon.

Ipinaliwanag din niya na ayon sa DepEd, ang Kinder hanggang Grade 3 ay tinuturing na kritikal na yugto ng pagkatuto kung saan hinuhubog ang kakayahan ng mga mag-aaral sa pagbasa at pagsusulat bago sila pumasok sa mas mataas na antas ng edukasyon.

Dagdag pa niya, sa buong Asya, ang Pilipinas ang may pinakamalawak na paggamit ng wikang Ingles sa pagtuturo, higit pa sa mga bansa tulad ng Malaysia at Thailand, na mas pinahahalagahan ang paggamit ng kanilang Mother Tongue. Dahil dito, hindi na rin aniya nakapagtataka kung bumababa ang performance ng Pilipinas sa mga international assessments gaya ng PISA, lalo kung Ingles ang gagamiting midyum sa pagsusulit.

Giit ng grupo, mahalagang kilalanin at tanggapin na kailangan ang Mother Tongue sa mabisang pagtuturo, lalo sa mga unang baitang. Pinahihintulutan naman ito sa mga monolingual na klase, ngunit may ilang kundisyong kailangang ayusin sa halip na tuluyang alisin ang programa.