Nag-viral sa social media ang isang 39-anyos na lalaki mula sa China matapos magtrabaho bilang food delivery rider sa kabila ng kanyang napakataas na pinag-aralan, kabilang ang PhD sa Biology mula sa University of Oxford sa United Kingdom.
Si Ding Yuanzhao ay nagtapos ng Bachelor’s degree sa Chemistry mula sa Tsinghua University, may Master’s degree sa Energy Engineering mula sa Peking University, PhD sa Biology mula sa Nanyang Technological University sa Singapore, at may degree rin sa Biodiversity mula sa Oxford.
Sa kabila ng kahanga-hanga niyang academic background, inamin ni Ding na nahirapan siyang makahanap ng permanenteng trabaho. Ayon sa mga ulat, mahigit 10 job interviews na ang kanyang nadaanan at nakapagsumite na rin siya ng maraming resume, subalit wala pa ring tumanggap sa kanya.
Sa ngayon, nagtatrabaho siya bilang food delivery rider, at ayon sa kanya, maayos at marangal ang trabahong ito. Nakakakita siya ng sapat upang masuportahan ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Dagdag pa niya, kung masipag ka sa ganitong hanapbuhay, kaya mong kumita ng malaki.
Isa pa sa mga positibong aspeto ng kanyang trabaho, ayon kay Ding, ay ang pagkakaroon niya ng regular na ehersisyo habang nagtatrabaho.
Binigyang-diin ni Ding na hindi dapat nakaangkla ang pagpapahalaga sa sarili sa uri ng trabaho. Hinimok din niya ang mga bagong graduate na huwag mawalan ng pag-asa, lalo na sa harap ng matinding hamon sa paghahanap ng trabaho.











