Pumalo na sa 109 katao ang kumpirmadong nasawi habang patuloy na pinaghahanap ang 161 iba pa matapos ang matinding flash floods na tumama sa central Texas nitong mga nakaraang araw.
Ayon kay Texas Governor Greg Abbott, puspusan ang ginagawang search and rescue operations ng mga otoridad upang mahanap ang mga nawawala. Sa kasalukuyan, nasa 258 responders na ang naipakalat sa mga apektadong lugar, katuwang ang mga drone na ginagamit upang mas mapabilis at mapalawak ang paghahanap.
Giit ni Abbott, hindi titigil ang kanilang operasyon hangga’t hindi natatagpuan ang lahat ng nawawala. “We will not rest until every missing person is accounted for,” aniya sa isang press briefing.
Nakipagtulungan na rin ang pamahalaan ng Mexico sa paghahanap, bilang bahagi ng humanitarian assistance sa mga naapektuhan ng kalamidad. Nagpadala ito ng mga trained personnel at kagamitan upang tumulong sa mga operasyon.
Samantala, kinumpirma ni US President Donald Trump na bibisita siya sa Texas sa darating na Sabado upang personal na makita ang lawak ng pinsala at makipagpulong sa mga lokal na opisyal. Inaasahan din na magbibigay siya ng pahayag ukol sa mga hakbang ng pederal na pamahalaan para sa rehabilitasyon at tulong-pinansyal.
Sa San Antonio, nagsagawa ng candlelight vigil ang mga residente bilang pakikiisa at paggunita sa mga biktima ng trahedya. Nagtipon-tipon ang mga tao sa mga pampublikong lugar upang magdasal at mag-alay ng bulaklak para sa mga nasawi.
Sa Kerr County, isa sa mga pinakamatinding tinamaan ng pagbaha, umabot na sa 87 ang bilang ng mga nasawi. Kabilang dito ang 56 na matatanda at 31 na mga bata, ayon sa ulat ng lokal na awtoridad.
Patuloy ang pagbibigay ng tulong sa mga evacuees at naapektuhang pamilya, habang nananawagan ang mga otoridad sa publiko na manatiling alerto at makinig sa mga abiso ukol sa lagay ng panahon at kaligtasan.











