--Ads--

CAUAYAN CITY- Hindi maitago ng isang magsasaka ang kaniyang panlulumo matapos na hindi tanggapin ng National Food Authority o NFA Cauayan at Luna ang ibinebenta nitong aning palay kahit na pumasa naman umano sa parameters ng ahensya ang sample na sinuri  noong Marso subalit pinaghintay sila ng apat na buwan bago sila muling pinabalik para magbenta.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Roben Laconsay, magsasaka mula sa Barangay Punit, Benito Soliven, Isabela, sinabi niya na dumulog siya sa Bombo Radyo Cauayan para ilabas ang kaniyang sama ng loob sa NFA Cauayan at NFA Luna matapos silang paghintayin ng apat na buwan ngunit hindi rin pala bibilhin ang kanilang palay.

Aniya, pumasa naman noong Marso ang samples na dinala nila sa NFA subalit dahil sa tagal na paghihintay ay nagkaroon na ito ng kuto at nang muling suriin ay na-reject na ito.

Bilang magsasaka ay labis ang kaniyang panlulumo dahil sa tagal ng panahon na iginugol niya sa paghihintay para mabili ang palay ay mare-reject lamang ito.

--Ads--

Plano sana nilang ibenta sa NFA Luna ang nasa 84 Cavans subalit ang tila pera na sana ay naging bato pa dahil nang ma-reject na ito ay wala na silang ibang nagawa kundi ibalik na lamang ang mga dalang palay. Ito din sana ang unang pagkakataon na magbebenta sila ng palay mula sa kanilang main crop sa NFA subalit nabigo lamang sila.

Napansin din nila na tila hindi umano priority ng NFA Luna at Cauayan ang mga aning palay mula sa ibang bayan dahil na rin sa naging pakikitungo sa kanila.

Paalala niya ngayon sa mga kapwa magsasaka na bago magbenta ng palay sa NFA ay suriin ng mabuti ang stock na palay na ibebenta para hindi na umasa o mag-aksaya ng panahon.

Panawagan naman niya sa NFA na hanggat maaari ay mag talaga na ng karagdagang buying station para ma-accommodate ang lahat ng mga palay na ibebenta ng mga maliiit na magsasaka gaya niya na walang sapat na kapasidad para sa maayos na storage facility.

Samanatala, hindi naman mapigilan na maiyak ni Ginang Marilou Laconsay sa sinapit ng mga ani nilang palay.

Aniya, dahil sa pangyayari ay hindi nila alam kung saan dadalhin ang mga na reject na palay.

Giit niya na tila panloloko ang ginawa sa kanila dahil sa umasa sila na maibebenta ang palay subalit dahil sa tagal na sila ay pinaghintay ay wala rin silang napala.

Maliban sa pagod sa malayong biyahe ay gumastos din sila para sa krudo sa pag-transport ng mga palay at bayad sa ilang kargador na siya sanang magbubuhat o maglilipat sa sako nito kung sakaling naibenta.

Hinala nila ngayon na dahil mula sila sa ibang bayan ay hindi sila priority ng NFA sa pagbili ng palay.

Giit pa niya na maaaring may palakasan system dahil sa maaga silang nagbiyahe at buong pag-aakala nila na first come first serve subalit laking gulat nila na makitang may ilang naipila o dati ng nailista kahit wala naman doon.