CAUAYAN CITY- Suportado ng Public Order and Safety Division (POSD) ng Cauayan City ang Anti-Sardinas Program ng Department of Transportation (DOTr) laban sa overloading sa pampublikong sasakyan.
Ayon kay POSD Chief Pilarito Mallillin sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, matagal na nilang binabantayan ang mga overloaded na PUJ, lalo na sa rutang Forest Region. Giit niya, paulit-ulit na ang paalala ngunit may ilan pa ring lumalabag.
Bukod sa jeep, binabantayan din nila ang mga tricycle na may top load, lalo na kung estudyante ang sakay. Aniya, napakadelikado ito at posibleng mauwi sa trahedya.
May direktiba si Mayor Jaycee Dy laban sa overloading, na una nang inihain sa Sangguniang Panlungsod. Bagamat nauunawaan ng POSD ang kakulangan ng sasakyan sa malalayong barangay, hindi raw ito dahilan para isantabi ang kaligtasan.
Patuloy ang pagpupulong ng POSD sa mga operator upang ipatupad ang batas at maiwasan ang mga aksidente, lalo na sa mga rutang East Tabaccal patungong Forest Region kung saan may mga ulat ng colorum na sasakyan.











