Nakatakdang magsagawa ng serye ng Public Consultations ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) Region 2 upang pag-usapan ang posibleng dagdag sa sahod ng mga manggagawa.
Sa Hulyo 23 ay nakatakda itong isagawa sa Cagayan at Batanes, Hulyo 24 sa Northern Isabela, Agosto 6 sa Nueva Vizcaya at Agosto 7 sa Quirino at Southern Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Labor Sector Representative Johny Alvaro ng RTWPB Region 2, sinabi niya na ang isasagawang public consultation ay kada taon nilang ginagawa bago ang anibersaryo ng huling wage order.
Layunin nitong masuri at mapag-usapan kung kinakailangan na namang magdagdag ng kaukulang sahod sa Rehiyon.
Ayon kay Alvaro, dapat lamang na madagdagan muli ang sahod lalo na at patuloy sa pagtaas ang presyo ng mga bilihin.
Nilinaw naman niya na kinakailangan pa nitong dumaan sa konsultasyon kaya hinihikayat nila ang lahat na dumalo pangunahin na ang mga manggagawa at employer upang mapakinggan ang kanilang hinaing patungkol sa naturang usapin.











