Nagbigay ng pinansyal na tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga biktima ng gas trap incident sa Nueva Vizcaya.
Matatandaang umakyat na sa lima ang bilang ng mga namatay sa insidente sa bahagi ng Runruno, Quezon, Nueva Vizcaya matapos na masawi rin ang ikalawang rescuer nitong madaling araw ng July 4, 2025.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucy Alan ng DSWD-Region II at siya ring Crisis Intervention focal person, sinabi niya na agad silang nagpadala ng ₱20,000 na ayuda sa pamilya ng mga nasawing biktima.
Ang mga nakaligtas naman ay nakatanggap ng P10,000 na ayuda mula sa DSWD.
Ginamit ito ng mga biktima para sa pangunahing pangangailangan gaya ng gamot at pagkain.
Nagbigay rin ng psychosocial support ang DSWD upang matulungan ang mga biktima sa emotional recovery. Nakipag-ugnayan din ang ahensya sa lokal na pamahalaan para sa karagdagang tulong kung kinakailangan.
Samantala nakapagbigay din ng tulong pinansyal at family food packs ang kagawaran sa mga rescuers na mula pa sa Ifugao na tumulong sa pagrescue sa mga biktima.
Nailibing na rin aniya ang lahat ng mga namatay na minero at nagbigay na rin ng tulong pinansiyal ang lokal na pamahalaan sa mga rescuer at kapamilya ng mga nasawing biktima.
Handa namang magbigay muli ng psychosocial support ang kagawaran sa mga pamilyang naiwan ng mga nasawing biktima.
Patuloy namang iniimbestigahan ang insidente habang nakaantabay ang DSWD sa karagdagang pangangailangan ng biktima.











