--Ads--

Magkakaloob ng mga motorsiklo sina Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr. at Vice Mayor Benjie Dy III ng Cauayan City sa Cauayan City Police Station (PNP) at Public Order and Safety Division (POSD) upang mapabilis ang kanilang pagresponde sa mga insidente.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Dy, inilahad niyang si Vice Mayor Benjie Dy III ang magbibigay ng motorsiklo sa mga kapulisan, habang siya naman ang maglalaan ng sasakyan para sa POSD. Nilinaw ng alkalde na ang mga motorsiklo ay mula sa kanilang personal na inisyatiba at pondo, kalakip ang tulong ng ilang sponsor, kaya’t walang dapat ipag-alala ang publiko dahil hindi ito kukunin mula sa pondo ng lungsod.

Kasalukuyan na umanong inaayos ang mga motorsiklong ipapamahagi, na nakatakdang i-turn over ngayong Hulyo sa PNP at POSD.

Dagdag pa ni Mayor Dy, inaasahang mas mapapabilis ang quick response ng PNP sa pamamagitan ng mga motorsiklo, habang ang POSD naman ay mas mapaiigting ang pagbabantay sa Poblacion area, lalo na kontra sa mga insidente ng double parking na sanhi ng trapiko.

--Ads--

Ang pamamahagi ng motorsiklo ay bahagi ng pasasalamat nina Mayor at Vice Mayor sa tiwalang ibinigay sa kanila ng mga mamamayan upang magsilbi sa loob ng tatlong taon.

Bagama’t hindi direktang magagamit ng bawat residente ang mga motorsiklo, tiniyak ni Mayor Dy na malaking tulong ito upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa lungsod sa pamamagitan ng mas mabilis na presensya ng mga awtoridad.