Aabot sa siyam na katao ang nasawi matapos gumuho ang isang bahagi ng tulay sa Vadodara district, Gujarat state sa Western India.
Ayon kay Health Minister Rushikesh Patel, ilang sasakyan ang kasalukuyang tumatawid sa tulay nang bigla itong bumigay, dahilan para mahulog sa ilog ang ilan sa mga sakay nito. Agad namang nagresponde ang mga awtoridad at nailigtas ang ilang mga biktima.
Batay sa ulat, malalakas na pag-ulan sa nakalipas na mga araw ang posibleng dahilan ng pagguho. Napag-alamang itinayo pa noong 1985 ang nasabing tulay.
Nagpaabot ng pakikiramay si Indian Prime Minister Narendra Modi sa mga pamilya ng mga nasawi at inatasan ang mga kinauukulan na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa insidente upang matukoy ang naging sanhi at mapigilan ang mga kahalintulad na trahedya sa hinaharap.











