--Ads--

Isang 2.3 kilos ng Cabrales cheese ang naibenta sa isang auction sa halagang $42,232 (tinatayang P2.4 milyon), dahilan para kilalanin ito ng Guinness World Records bilang pinakamahal na keso sa mundo.

Ang Cabrales cheese ay isang uri ng blue cheese na nagmula sa Asturias region sa Hilagang Espanya. Ito ay karaniwang gawa sa gatas ng baka, ngunit maaaring haluan ng gatas ng kambing o tupa. Iniimbak ito sa malamig at mahalumigmig na limestone na mga kuweba kung saan ito nagkakaroon ng natural na amag na kulay asul at berde, kaya’t nagiging maalat at makrema ang lasa nito.

Ang keso ay ginawa ng Ángel Díaz Herrero cheese factory at inimbak nang 10 buwan sa kuwebang Los Mazos bago isinailalim sa auction. Matapos itong tanghaling “Mejor Queso del Certamen” ng Regulatory Council DOP Cabrales, agad itong binili ng El Llagar de Colloto, isang restaurant sa nasabing rehiyon.

Balak ng naturang restaurant na isama ang keso sa kanilang eksklusibong tasting menu. Ayon sa council, ang pagkilalang ito mula sa Guinness World Records ay patunay ng patuloy na paghanga ng buong mundo sa tradisyonal na paraan ng paggawa ng keso sa Asturias.

--Ads--