--Ads--

Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na may posibilidad pa ring mahatulan ang mga suspek kaugnay ng kaso ng nawawalang mga sabungero kahit hindi natagpuan ang mga labi ng mga biktima.

Ayon kay Justice Assistant Secretary at tagapagsalita ng ahensya na si Atty. Mico Clavano, posible ang conviction kung may sapat na ebidensyang magpapatibay sa pagkakasala ng mga sangkot, alinsunod sa umiiral na batas.

Ginawa ang pahayag sa gitna ng initial diving operation na isinagawa ng DOJ katuwang ang Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at Philippine Coast Guard, sa paghahanap ng ebidensyang may kaugnayan sa kaso.

Paliwanag ni Clavano, ang hatol sa isang akusado ay maaari pa ring maisakatuparan sa tulong ng mga alternatibong ebidensya gaya ng litrato, mga video, o anumang dokumentasyong magpapakita ng aktwal na pangyayari. Aniya, maaari itong gamitin upang patunayan ang pagkamatay ng mga sabungero kahit walang bangkay na narekober.

--Ads--

Binanggit din ni Clavano na nakaangkla ito sa prinsipyo ng ‘corpus delicti’ sa kasong murder, na tumutukoy sa esensya ng krimen — ang katotohanang may naganap na karumal-dumal na pagpatay.

Gayunpaman, kung sakaling makahanap ng mga labi ang mga awtoridad, ito ay magsisilbing karagdagang ebidensya na lalong magpapatibay sa kaso.

Matatandaang kamakailan, isiniwalat ng testigong si alyas “Totoy” na may pangalang Julie “Dondon” Patidongan na ang mga nawawalang sabungero ay umano’y inilibing sa bahagi ng Taal Lake.

Kaugnay nito, ibinahagi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang lugar na tinukoy bilang ground zero ng diving operation ay isang fishpond lease na pagmamay-ari ng isa sa mga iniimbestigahang suspek.

Ani Remulla, may mga biktima umanong itinapon sa naturang lugar kahit buhay pa, kaya’t nananatili ang tanong kung paano isinagawa ang pagpatay sa mga sabungero.