CAUAYAN CITY- Patuloy na hinihintay ng Schools Division Office ng Cauayan ang pagdating ng mga learning materials para sa implementasyon ng Revised K–10 curriculum sa lungsod.
Sa kasalukuyan, hindi pa kumpleto ang mga aklat na gagamitin ng mga mag-aaral sa elementarya at sekondarya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Alexander G. Geronimo, Education Program Supervisor ng Learning Resource Management Section, sinabi niyang may ilang aklat at teacher’s manual na hindi pa naihahatid.
Sa Grade 1, tatlong aklat na ang na-deliver. Anim naman ang naipadala para sa Grade 4, habang dalawang asignatura pa ang hinihintay. Sa Grade 7, may limang aklat na naibigay ngunit may tatlong subjects pa ang wala pang materyales.
Bagama’t marami pa ang kulang sa iba’t ibang asignatura, iginiit ni Geronimo na mas marami na rin ang naipadala at kasalukuyang napapakinabangan ng mga estudyante.
Hinihintay na rin ang mga aklat para sa Grade 2, 3, 5 at 8 upang suportahan ang mas mabisang pagkatuto.
Inaasahan na ngayong taon, 2025, ay matatanggap na ang lahat ng natitirang aklat na tiyak na makatutulong sa mga mag-aaral.
Pansamantala, gumagamit ang mga guro ng alternative learning materials upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagkatuto ng mga estudyante sa kabila ng kakulangan sa aklat.










