Posibleng maibasura ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte kung mapapatunayang walang hurisdiksyon ang kasalukuyang impeachment court sa naturang kaso.
Ayon kay Senador Alan Peter Cayetano, sa bawat kasong dinidinig ng korte, pangunahing isinusuri muna kung ito ay saklaw ng kanilang kapangyarihan o hurisdiksyon. Iginiit pa ng senador, na isang abogado, na kahit hindi pa naihaharap ang ebidensya sa korte, maaari nang ma-dismiss ang kaso kung sa simula pa lamang ay wala na itong batayan sa ilalim ng hurisdiksyon ng korte.
Gayunman, nilinaw ni Cayetano na hindi basta-basta isinasantabi ang isang impeachment case. Aniya, kinakailangang pag-aralan ito nang masinsinan upang matiyak na ang anumang hakbang ay naaayon sa batas at makatarungan.
Ang isyu ay patuloy na binabantayan ng publiko, habang hinihintay ang pormal na pagdinig at ang magiging desisyon ng impeachment court.











