Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) ang pagkakatuklas ng isang sako na naglalaman umano ng mga buto ng tao.
Ang nasabing sako ay natagpuan sa kasagsagan ng pagsisimula ng paghahanap ng mga awtoridad sa mga bangkay ng nawawalang sabungero sa Taal Lake.
Ayon sa DOJ, ito ay maituturing na mahalagang lead sa nagpapatuloy na imbestigasyon kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.
Nilinaw ng DOJ na isang technical site assessment lamang sana ang isinasagawa ng Philippine Coast Guard (PCG) nang madiskubre ang nasabing sako.
Sumasailalim na ngayon ang mga natagpuang buto sa pagsusuri upang matukoy kung ito ay pag-aari ng mga nawawalang biktima.
Magugunitang ibinunyag ni Julie Patidongan—isa sa mga akusado at tinuturing na posibleng whistleblower sa kaso—na mahigit 100 katao umano ang pinaslang at itinapon sa Taal Lake dahil sa umano’y dayaan sa sabong.
Idinawit din niya ang negosyanteng si Atong Ang at si Gretchen Barretto bilang mga sangkot umano sa pagpatay.











