Nagkaroon ng Meet & Greet kahapon ang mga tagahanga at manlalaro ng PLDT High Speed Hitters, Petro Gazz Angels, Farm Fresh Foxies, at Choco Mucho Flying Titans bilang bahagi ng 2025 Premier Volleyball League o PVL on Tour na ginanap sa Capital Arena sa Lungsod ng Ilagan.
Maghaharap ang Choco Mucho Flying Titans at Farm Fresh Foxies sa Sabado, Hulyo 12, 2025, alas-4 ng hapon. Samantalang sa Linggo naman, makakaharap ng Flying Titans ang PLDT High Speed Hitters sa ganap na alas-6:30 ng gabi sa parehong venue.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ricky Laggui, General Services Officer ng LGU City of Ilagan, sinabi niyang sold out na agad ang mga tiket para sa mga laban.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na magho-host ang Region 2 ng mga laro ng Premier Volleyball League (PVL), kaya’t naging puspusan ang paghahanda ng lokal na pamahalaan.
Ayon pa kay Laggui, naging bukas ang PVL sa kanilang mga mungkahi para sa event sa Capital Arena, at inaasahan din nilang dadagsa ang mga manonood dahil ito ang unang pagkakataong mapapanood nang live sa Ilagan ang mga kilalang koponan ng liga.
Inanyayahan din niya ang publiko na dumalo sa nasabing aktibidad. Aniya para sa mga hindi nakabili ng tiket, may inihandang malaking screen sa labas ng arena upang mapanood pa rin ang mga laban.











