Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na may ilan pang mga sako silang nakuha sa ilalim ng Taal Lake.
Kasunod na rin ito nang nagpapatuloy na pagsasaliksik ng mga awtoridad sa mga missing sabungeros, na sinasabing itinapon sa naturang lawa.
Nabatid na hindi pa naman batid ng mga awtoridad ang laman ng mga naturang sako, na pinagsisikapang maiahon lahat ng mga divers.
Una nang sinimulan ng PCG ang paghahanap sa missing sabungeros kamakalawa.
Isang sako ang kaagad nilang nadiskubre, na sinasabing naglalaman ng mga hinihinalang sinunog na buto ng tao.
Nabatid na ang mga naturang buto ay nakatakdang isailalim sa forensic examination at DNA testing bago magkaroon ng konklusyon dito.
Natagpuan ng isang team ng PNP-CIDG ang unang sako ng mga buto ilang metro ang layo sa baybayin, na ibinatay sa impormasyong doon ang posibleng jump-off point nangyari, habang ang mga kinatawan ng DOJ at PCG mula sa 100 metro ang layo ay gumamit ng maliliit na bangka para alamin kung ano ang natagpuan.











