Nagsimula na ang masusing imbestigasyon ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) kaugnay sa kumalat na video ng pananakit sa isang Grade 8 student ng Bambang National High School.
Matatandaang mabilis na nag-viral sa social media ang video na nagpapakita ng grupo ng mga estudyanteng nananakit sa kanilang kaklase sa naturang bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Novalyn Aggasid, tagapagsalita ng NVPPO, sinabi niyang batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente matapos magkaroon ng inuman ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan sa isang kantina malapit sa paaralan.
Dito umano dumating ang isang estudyante mula sa ibang paaralan na naging dahilan ng komprontasyon, matapos itong akusahan ng pagpapakalat ng maling impormasyon, na nauwi sa pananakit.
Sa kumalat na video, makikitang sabay-sabay na pinagsasampal at sinusuntok ng ilang estudyante ang biktima, habang may isa na nagsilbing tagakuha ng video. Ayon pa sa ulat, kinuha rin ng isa sa kanila ang cellphone ng biktima.
Dahil sa insidente, agad na naglabas ng direktiba ang alkalde ng Bambang para imbestigahan ang pangyayari. Isinagawa na rin ng pamunuan ng paaralan ang isang Parent-Teacher-Student mediation conference upang maresolba ang insidente, maisulong ang dayalogo, at mapigilan ang pag-uulit ng ganitong mga insidente.
Nilinaw naman ng NVPPO na responsibilidad ng paaralan ang resolusyon ng kaso kung ito ay mapapatunayang bullying, lalo na’t ang insidente ay naganap sa labas ng premises ng paaralan.
Dagdag pa ni PMaj. Aggasid, hindi ito ang unang ulat ng bullying na kinasasangkutan ng mga menor de edad sa lalawigan, ngunit ito ang kauna-unahang insidente na naging viral sa social media.











