Lumabas sa datos ng Commission on Elections na nanguna si Sen. Camille Villar na may pinakamalaking nagastos sa kampanya para sa nagdaang 2025 Midterm Elections.
Sa isinapublikong mga Statement of Contributions and Expenditures ng COMELEC, umabot sa P179.6M ang nagastos ni Villar sa pangangampanya.
Sinundan siya ni Senador Lito Lapid na gumastos ng P163.5M, at ni Senadora Pia Cayetano na may P162 milyon.
Kabilang sa mga may mataas ding gastos sina Senadora Imee Marcos na nag-ulat ng P139.2M, at si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na may P128.7 M.
Si Senador Bong Go naman ay nagdeklara ng P127.3M sa kanyang campaign spending.
Ayon sa poll body, maaaring makita ng publiko ang mga na-scan na kopya ng SOCE sa kanilang opisyal na website. Sa ngayon, na-upload na ang mga dokumento mula sa 60 senatorial candidates, 29 political parties, at 141 party-lists.
Matatandaan na naglunsad din ang COMELEC ng kanilang online platform para sa pagsusumite ng SOCE, na magagamit na sa nalalapit na Bangsamoro Parliamentary Elections sa Oktubre. Layunin ng sistemang ito na pataasin ang transparency at accessibility para sa publiko.











