--Ads--

Tiniyak ng Schools Division Office o SDO Nueva Vizcaya na dadaan sa tamang due process ang mga estudyanteng sangkot sa insidente ng bullying at pananakit sa isang Grade 8 student ng Bambang National High School.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Schools Division Superintendent Dr. Orlando Manuel ng SDO Nueva Vizcaya, sinabi niyang nakarating na sa kanila ang aksyon o rekomendasyon ng Bambang National High School kaugnay ng viral na insidente.

Ayon kay Dr. Manuel, nang maipadala sa kanila ang video ng insidente, agad silang nakipag-ugnayan sa punong-guro ng paaralan upang alamin ang naging hakbang. Batay sa ulat ng pamunuan ng Bambang National High School, nagsagawa sila ng Parent-Teacher-Student Mediation Conference na dinaluhan ng kinatawan ng SDO.

Dagdag pa ni Dr. Manuel, isinangguni na rin ang insidente sa Learner Rights Protection Unit at sa Guidance and Counseling Division Coordinator para mapag-aralan ang nararapat na hakbang laban sa mga estudyanteng sangkot.

--Ads--

Sa ilalim ng batas, maaaring humantong sa expulsion ang sinumang estudyanteng mapatunayang gumawa ng grave offense. Ngunit dahil sa umiiral na Child Protection Law, iminumungkahi ng paaralan na ilipat na lamang ng paaralan ang mga sangkot na estudyante. Gayunman, nilinaw ng Prefect of Discipline na papatawan pa rin sila ng kaukulang disciplinary action.

Samantala, bukod sa insidente sa Bambang National High School, may isa pang kaso ng bullying na kumakalat ngayon sa social media na naganap naman sa Bayombong.

Ayon kay Dr. Manuel, parehong naganap sa labas ng paaralan ang mga insidente. Sa kaso sa Bambang, isang estudyante mula sa ibang paaralan ang sangkot, at napag-alamang nakabili pa ng alak mula sa isang tindahan malapit sa eskwelahan. Lumalabas din na lumiban sa klase ang mga sangkot nang mangyari ang insidente, kahit na may umiiral na polisiya laban sa pagbebenta ng alak malapit sa paaralan.

Iginiit ni Dr. Manuel na ang pagresolba sa bullying ay hindi lamang responsibilidad ng paaralan kundi nangangailangan ng pagtutulungan ng mga magulang at ng komunidad. Aniya, kahit mayroong values education sa paaralan, sa loob ng tahanan pa rin dapat nagsisimula ang pagtuturo ng tamang asal, disiplina, at respeto.

Dagdag pa niya, sa pagpapatupad ng due process, mahalagang magkaroon ng holistic approach sapagkat maging ang mga estudyanteng sangkot ay maituturing ding biktima ng sitwasyon, lalo’t napatunayang nasa ilalim sila ng impluwensiya ng alak.

Inamin din ni Dr. Manuel na kulang ang SDO sa mga guidance counselor. Sa kasalukuyan, tanging ang Guidance and Counseling Division Coordinator lamang ang meron sila, kaya’t may mga naitalagang school guidance advocates na katuwang nila. Gayunman, may ilang plantilla positions para sa guidance counselors ang nananatiling bakante dahil sa kakulangan ng kwalipikadong aplikante.

Sa ngayon, bumuo na ang DepEd, DBM, at CSC ng posisyon para sa Guidance Associate, na may mas mababang qualification requirements at bukas para sa mga psychologist, psychometrician, at LET passer na kumuha ng guidance and counseling subject.