--Ads--

Hinimok ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) ang lahat ng senior citizen sa Lungsod ng Cauayan na pag-aralan at unawain ang mga batas na nagbibigay proteksyon at pribilehiyo sa kanila.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Edgardo Atienza, OSCA Head ng Cauayan City, sinabi niyang tungkulin ng kanilang tanggapan na ipabatid sa publiko ang nilalaman ng Republic Act No. 7432 o ang Senior Citizens Law. Nakasaad sa naturang batas na may karapatan ang mga nakatatanda na makatanggap ng diskwento sa mga pangunahing bilihin at tumanggap ng ayudang pinansyal mula sa pamahalaan.

Kaugnay nito, nais din ipaalam ni Ginoong Atienza ang tungkol sa bagong naisabatas na Republic Act No. 11982 o ang Expanded Centenarians Act, kung saan nakasaad na ang mga senior citizen na may edad 80, 85, 90, at 95 ay maaari nang magsumite ng mga kinakailangang dokumento upang makatanggap ng P10,000 na ayuda.

Nilinaw niyang hindi kailangang dumaan sa palakasan o padrino system dahil walang limitasyon sa bilang ng mga benepisyaryo. Ibig sabihin, lahat ng kwalipikadong aplikante ay tiyak na makatatanggap ng nasabing benepisyo basta’t kumpleto ang kanilang mga requirement.

--Ads--

Dagdag pa ni Atienza, kahit noong una ay may naipatutupad nang birthday cash grant para sa mga senior citizen sa lungsod, lalo pa itong pinagtibay sa ilalim ng Expanded Centenarians Act.

Sa ngayon, hinihikayat ng OSCA ang mga senior citizen na agad ayusin ang kanilang mga dokumento. Ang mga papeles ay isusumite naman sa Regional Office para sa opisyal na pagproseso ng ayuda.

Matatandaang mahigit 200 senior citizen sa Cauayan ang kabilang sa unang batch ng mga makatatanggap ng P10,000 sa ilalim ng Expanded Centenarians Act, na nakatakdang ipamahagi sa darating na Hulyo 21.