Nagpakitang-gilas ang 73-anyos na si Susan Ragon mula Massachusetts, U.S.A. matapos maging pinakamatandang babaing nakakumpleto ng marathon sa North Pole.
Tinapos ni Susan ang 42-kilometrong karera sa gitna nang matinding lamig at madulas na yelo sa loob ng 8 oras at 58 minuto dahilan para makuha niya ang Guinness World Record title na “Oldest person to complete the North Pole Marathon (female)”.
Hindi na bago kay Susan ang pagsali sa mga matitinding marathon dahil noong 2019, hawak din niya ang record sa Antarctica Ice Marathon. Sa loob ng tatlong dekada, nalibot at natapos na niya ang mga marathon sa lahat ng pitong kontinente at parehong pole ng mundo.
Ayon kay Susan, mahirap at puno ng pagsubok ang mga karerang ito, kabilang na ang matinding lamig, delikadong yelo, at mga hayop tulad ng polar bear, pero ginamit niya ang kanyang karanasan at matiyagang paghahanda upang magtagumpay.
Sa kabila ng kanyang edad, hindi nagpatalo si Susan sa takot o pagod. Kahit pa nabalian ang kanyang bisig ilang kilometro bago matapos ang North Pole Marathon.
Sa tulong ng kanyang pamilya at mga kaibigan, lalo na ang kanyang asawang si Terry, nagpatuloy si Susan hanggang dulo. Patuloy pa rin siyang lalaban, at target niyang sumali sa Sydney Marathon sa darating na Agosto.











