Mariing itinanggi ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga spekulasyong “planted” umano ang mga sako na kanilang narerekober sa Taal Lake sa gitna ng isinasagawang retrieval operations kaugnay sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Sa panayam kay PCG Spokesperson Commodore Noemi Cayabyab, iginiit niyang lehitimo ang kanilang mga operasyon sa naturang lawa, bilang bahagi ng masusing imbestigasyong isinasagawa upang matukoy ang posibleng kinalalagyan ng mga nawawala. Binigyang-diin niya na bawat diving mission ay isinagawa alinsunod sa tamang proseso, may sapat na dokumentasyon, at may koordinasyon sa iba’t ibang ahensya.
“Mariin naming kinokondena ang anumang pahayag na nagsasabing planted ang mga ebidensya. Ang layunin ng PCG ay makapagbigay ng hustisya at katotohanan, hindi para magpakalat ng haka-haka,” ani Cayabyab.
Ipinaliwanag pa ng opisyal na delikado ang bawat pagsisid ng kanilang technical divers sa lawa, kung saan ang mga kondisyon ay hindi palaging paborable. Bukod sa pabago-bagong klima at malalakas na alon, isa rin sa mga salik na binabantayan nila ay ang aktibidad ng Bulkang Taal na kasalukuyang nasa alert level.
Dagdag ni Cayabyab, dapat ay maging maingat ang publiko sa pagbibitaw ng mga espekulasyong maaaring makasira sa kredibilidad ng kanilang operasyon, lalo’t nakasalalay dito ang buhay ng kanilang mga tauhan.
“Kami ay tuloy-tuloy sa aming misyon hangga’t may natitira pang posibilidad na makakuha ng mga ‘suspicious objects’ na maaaring makapagbigay-linaw sa kaso. Hindi kami titigil sa pagnanais na makamit ang katarungan para sa mga biktima,” pahayag pa niya.
Sa kabila ng mga hamon, nananatiling determinado ang PCG na tapusin ang kanilang operasyon sa lalong madaling panahon upang masigurong hindi masasayang ang mga pagsisikap ng kanilang mga tauhan at maipagpatuloy ang pag-asang mabibigyan ng hustisya ang mga nawawala.











