--Ads--

Patuloy na mararanasan ang malalakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Pilipinas dulot ng Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Hulyo 13.

Batay sa pinakahuling weather forecast ng Department of Science and Technology (DOST) at PAGASA, inaasahang makakaranas ng katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan ang mga lugar sa Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Zambales, Bataan, Cavite, Occidental Mindoro, Romblon, at Palawan.

Dahil sa banta ng pagbaha at pagguho ng lupa, mariing pinayuhan ng ahensya ang mga residente sa mga nabanggit na rehiyon na manatiling alerto at i-monitor ang advisories mula sa lokal na pamahalaan. Anila, maaaring magresulta ang tuloy-tuloy na pag-ulan sa flash floods sa mabababang lugar at landslides sa mga bulubunduking komunidad.

Samantala, sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao, bahagyang maulap hanggang sa maulap ang kalangitan na may posibilidad ng mga isolated na pag-ulan at thunderstorms, dulot pa rin ng umiiral na Habagat. Bagamat hindi kasing lakas ng ulan sa mga apektadong rehiyon, pinayuhan pa rin ang publiko na maging handa sa biglaang buhos ng ulan na maaari pa ring magdulot ng localized flooding.

--Ads--

Ayon pa sa PAGASA, natapos na ang kanilang monitoring sa bagyong “Nari” na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), at kasalukuyang walang namataang low pressure area o iba pang sama ng panahon sa loob ng PAR.

Kaugnay sa lagay ng panahon sa dagat, ipinahayag ng PAGASA na inaasahan ang katamtamang lakas ng hangin at pag-alon sa extreme Northern Luzon, kaya pinayuhan ang mga mangingisda at mariners na mag-ingat sa paglalayag.