Kinumpirma ng Philippine Embassy sa Tel Aviv ang pagkamatay ng isang 49-anyos na Filipina caregiver matapos magtamo ng matinding pinsala sa isang Iranian missile strike sa Israel noong Hunyo 15, 2025.
Kinilala ang biktima bilang si Leah Mosquera, tubong Negros Occidental, na pumanaw nitong umaga habang nilalapatan ng gamutan sa Shamir Medical Center. Si Mosquera ay nanatili sa intensive care unit nang ilang linggo bago tuluyang binawian ng buhay dahil sa grabeng sugat na tinamo nang tamaan ng missile ang kanyang apartment.
Ayon sa embahada, sumailalim si Mosquera sa ilang operasyon at patuloy na inalagaan sa ICU mula nang mangyari ang insidente. Ang kanyang kapatid na si Joy, na kapwa caregiver at kasalukuyang nagtatrabaho rin sa Israel, ang siyang nag-asikaso sa kanya habang nasa ospital at nagkumpirma sa kanyang pagpanaw.
Nagpahatid ng pakikiramay ang embahada sa pamilya ni Mosquera at nagpasalamat sa lahat ng tumulong sa proseso ng kanyang gamutan, kabilang ang mga doktor, first responders, mga paring bumisita, at miyembro ng Filipino community sa Israel.
Dagdag pa ng embahada, kasalukuyan nilang inaayos ang mga kinakailangang hakbang para sa repatriation ng mga labi ni Mosquera at pagbibigay ng kaukulang tulong sa kanyang pamilya sa Pilipinas.











