Pormal nang sasampahan ngayong araw ng whistleblower na si Julie Patidongan alyas “Totoy” sa National Police Commission (Napolcom) ang 15 pulis na sangkot sa missing sabungeros.
Ayon kay Napolcom Vice Chairman Rafael Calinisan, papangalanan ni Patidongan ang 15 pulis sa kanyang isusumiteng affidavit na malaking tulong upang masimulan na ang pagkakasangkot ng mga pulis sa kontrobersiyal na kaso.
Bagama’t kasong administratibo ang kakaharaping kaso ng mga pulis, maaari rin aniyang masampahan ng kasong kriminal batay sa mga ebidensiya.
Inaasahan nilang matatapos ang imbestigasyon sa loob ng dalawang buwan.
Paliwanag ni Calinisan, mabigat ang akusasyon ni Patidongan kung saan may isinasangkot itong matataas na opisyal ng PNP.
Nilinaw ni Calinisan na ang kanilang administrative jurisdiction ay para sa mga aktibong pulis lamang. Wala na umano silang kontrol sa mga nagretirong pulis na sangkot sa missing sabungeros.
Sakaling mapatunayang guilty sa grave misconduct, posibleng mapatawan ng suspensiyon o dismissal ang pulis.
Tiniyak ni Calinisan na ipatutupad ang due process sa lahat ng sangkot.











