--Ads--

Dalawa ang nasugatan habang nagdulot naman ng katamtaman hanggang sa mabigat na trapiko ang banggaan ng isang close van at trailer truck na may kargang ipa sa bahagi ng Nagsabaran, Diadi, Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Major Daryl Marquez, Officer-in-Charge ng Diadi Police Station, kanyang kinumpirma na sangkot sa aksidente ang isang trailer truck at isang close van.

Batay sa imbestigasyon, kapwa binabaybay ng dalawang sasakyan ang pambansang lansangan nang maganap ang aksidente. Ayon kay Pmaj. Marquez, palusong ang bahagi ng kalsadang iyon kaya kinakailangan talaga ng mga sasakyan na magbagal.

Sa pahayag ng driver ng close van, hindi umano gumana ang preno ng kanilang sasakyan, dahilan upang sumalpok ito sa likuran ng sinusundang trailer truck.

--Ads--

Dahil sa insidente, nagtamo ng sugat ang dalawang sakay ng close van kung saan isinailalim sa operasyon ang driver dahil sa malalim na sugat sa paa, habang ang pahinante naman ay nasugatan sa tuhod.

Nagdulot din ng pansamantalang pagsikip sa daloy ng trapiko ang isinagawang rescue operation upang mailigtas ang naipit na driver sa loob ng close van.

Samantala, nagkaroon na ng pag-uusap ang may-ari ng trailer truck at ang mga nasugatang biktima upang sagutin na lamang ng una ang gastusin para sa kanilang pagpapagamot.