Kabilang ang buto ng tao sa mga natagpuang sako na may kahina-hinalang laman sa Taal Lake habang isinasagawa ang search operations ng mga nawawalang sabungero noong nakaraang linggo, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III.
Pahayag pa ni Gen. Torre III sa press briefing ngayong lunes ay nakarekober pa sila ng halo halong mga buto tao at hayop sa isang bukirin malapit sa Taal Lake.
Kasama umano sa proseso ang pagtukoy kung ang mga butong ito ay para sa tao o hayop.
Ipinadala na sa Forensic Group ng PNP ang mga DNA samples mula sa hindi bababa sa 12 kamag-anak ng mga nawawalang sabungero kabilang na rin ang mga posibleng labi ng tao na una nang nakuha sa Taal Lake upang isailalim sa siyentipikong pagsusuri.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, nakuha na nila ang mga DNA samples mula sa mga kaanak ng mga nawawalang sabungero.
Kung magtutugma ito sa mga narekober na labi, magsisilbi itong ebidensiya na pumanaw na ang mga sabungero.











