Inaasahang darating ngayong araw sa Taal Lake sa Batangas ang mga Remotely Operated Vehicles (ROVs) upang tumulong sa nagpapatuloy na search and retrieval operations, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Layon ng mga awtoridad na gamitin ang mga ROV upang makatulong sa paghahanap ng mga labi ng mga nawawalang sabungero na pinaniniwalaang nalunod o nailibing sa ilalim ng lawa.
Sa kabila ng inaasahang pagdating ng naturang kagamitan binigyang-diin ni Philippine Coast Guard District Southern Tagalog Commander Commodore Geronimo Tuvilla na mananatiling aktibo ang mga technical diving teams.
Ayon kay Tuvilla mahalaga pa rin ang presensiya ng mga eksperto o divers sa ilalim ng tubig dahil mas epektibo nilang nasusuri ang kalagayan sa ilalim ng lawa.
Gayunman, inamin ni Tuvilla na mananatiling hamon ang visibility sa lawa bunsod ng labis na putik at dumi sa tubig na nagreresulta sa halos zero visibility sa mga pagsisid.
Sa kabila nito tiniyak ni Tuvilla na may sapat na technical divers at kagamitan ang PCG upang maipagpatuloy ang operasyon.
Samantala inihayag ng Department of Justice (DOJ) na patuloy silang nagsasagawa ng assessment para matukoy ang karagdagang mga kagamitan na kinakailangan upang mas maging epektibo ang kanilang operasyon.
Ayon kay DOJ Spokesperson at Assistant Secretary Mico Clavano isa sa mga hakbang na kanilang ikinukonsidera ay ang paghiram ng kagamitan mula sa Japan upang mas mapabilis ang search operasyon.
Kumpirmado rin ang plano ng DOJ na makipag-ugnayan sa Japan authorities upang mapabilis ang paghahanap sa mga nawawalang sabungero na hinihinalang nalunod sa lawa.
Patuloy ang search and retrieval operations na pinangungunahan ng DOJ, PCG, at Philippine National Police (PNP).











