--Ads--

Tinatayang aabot sa halos P500,000 ang natangay ng mga riding-in-tandem suspects sa naganap na robbery hold-up sa Jones, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Terrence Tomas, tagapagsalita ng Isabela Police Provincial Office, sinabi niyang naganap ang insidente noong Hulyo 13, 2025, dakong 2:45 ng hapon.

Habang nakaparada ang isang wing van at kasalukuyang nagbababa ng produkto sa isang tindahan, sumampa ang isa sa mga suspek sa sasakyan at tinutukan ng baril si alyas Rey, isang kolektor ng isang kompanya.

Natangay ng suspek ang isang bag na naglalaman ng malaking halaga ng pera na tinatayang aabot sa P500,000 bago tumakas patungo sa Barangay Pangal Sur, Echague, Isabela.

--Ads--

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Jones Police Station at agad ding nagpalabas ng flash alarm sa mga karatig na himpilan ng pulisya, partikular sa Echague, San Agustin, San Isidro, at ilang unit ng Quirino PPO upang magsagawa ng checkpoints at entrapment operations.

Sa tulong ng mga nakalap na CCTV footage, positibong itinuro ng biktima ang isa sa mga suspek, na tumugma sa deskripsyon sa rouge gallery na ipinakita ng pulisya.

Sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon at case build-up upang makakalap pa ng karagdagang ebidensya na magagamit ng Jones Police Station sa pagsasampa ng kaso laban sa nakilalang suspek.

Bagaman nagpapatuloy pa ang imbestigasyon, hindi isinasantabi ng PNP ang posibilidad na may kaugnayan ang insidente sa Jones sa mga naunang naitalang robbery incidents sa mga barangay ng Echague at Angadanan, Isabela, lalo na’t tugma ang deskripsyon ng ginamit na motorsiklo sa mga naunang kaso.

Matatandaang nauna nang nadakip sa isang operasyon ng Alicia Police Station ang isa sa kagrupo ng mga suspek na kumikilos sa Southern Isabela. Natukoy rin itong may standing warrant of arrest para sa kasong robbery sa Santiago City.

Sa mga naunang ulat, nakatakas naman ang ilan sa mga kasamahan ng suspek sa ikinasang operasyon sa Apanay, Alicia, Isabela.

Batay sa impormasyon ng PNP, modus operandi ng grupo ang pagmamanman sa mga indibiduwal na may koleksiyon ng malaking halaga ng pera, bago isagawa ang kanilang pagnanakaw.

Dahil sa patuloy na insidente ng pagnanakaw sa Southern Isabela, hiniling ng pulisya ang kooperasyon ng publiko.

Payo nila na maging mapagmatyag sa paligid, iwasang magsuot ng mga alahas o anumang mahalagang gamit, at para sa mga kolektor ng pera, mainam na magkaroon ng security personnel bilang karagdagang seguridad.