--Ads--

Nakaapekto sa kasalukuyang presyo ng palay na binebenta ng mga lokal na magsasaka ang patuloy na pagbagsak ng presyo ng mga imported rice sa world market, kasunod ng pagpapatupad ng Rice Tariffication Law (RTL).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Agriculturist Arjie Baquiran ng Agribusiness and Marketing Assistance Division ng Department of Agriculture Region 2, sinabi niyang patuloy ang isinasagawang price monitoring ng kanilang tanggapan sa bentahan ng palay sa Lambak ng Cagayan. Batay sa resulta, kapansin-pansin ang pagbaba ng presyo ng parehong dry at sariwang aning palay.

Sa kanilang monitoring, naitala ang bentahan ng dry palay sa P14–P16 kada kilo, habang ang sariwang ani naman ay umaabot lamang sa P11–P13 kada kilo na presyong lugi na para sa mga magsasaka.

Ayon kay Baquiran, ang prevailing price sa kasalukuyan ay P15 kada kilo para sa dry palay at P11 kada kilo para sa sariwa, na mas mababa kumpara sa break-even price na P12.50 kada kilo.

--Ads--

Napansin din ng DA ang pagbaba ng presyo ng bigas sa merkado. Ang well-milled rice ay nasa P38 kada kilo; ang regular-milled rice ay nasa P29–P43, na may prevailing price na P34 kada kilo; habang ang premium rice ay may prevailing price na P45 kada kilo.

Dagdag pa niya, dalawang beses kada linggo ang isinasagawang price monitoring ng DA Region 2 upang matiyak ang regular na pag-update sa presyo ng palay sa rehiyon.

Paliwanag niya, ang pagbaba ng presyo ng palay ay dulot ng domino effect ng patuloy ding pagbagsak ng presyo ng mga imported rice. Aniya dahil hindi kayang tapatan ng mga local traders ang presyong dala ng mas murang imported rice, naaapektuhan ang pagbili sa local harvest.

Bilang tugon, iminungkahi ni Baquiran na maibalik sa National Food Authority (NFA) ang kanilang purchasing power upang makatulong sa pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka sa mas makatarungang halaga.

Sa ganitong paraan, hindi mawawalan ng gana ang mga magsasaka sa pagtatanim ng palay. Tiniyak din ng Department of Agriculture ang tuluy-tuloy na suporta gaya ng pamamahagi ng libreng binhi at abono upang mabawasan ang gastos ng mga magsasaka.