--Ads--

Pinag-uusapan na sa lungsod ng Cauayan ang mungkahing gawing libre ang renewal ng prangkisa para sa mga tricycle driver na namamasada sa lungsod.

Maaalalang isinusulong na rin ang kahalintulad na panukala sa ilang bayan sa lalawigan ng Isabela, partikular sa bayan ng Reina Mercedes.

Ang ordinansa ay kasalukuyang isinusulong nina Vice Mayor Benjamin Dy III at Konsehal Paul Vincent Mauricio, na siya ring Chairman ng Committee on Transportation sa Sangguniang Panlungsod.

Sa ilalim ng panukalang ordinansa, hindi na kailangang magbayad ng buwis ang mga tricycle driver para sa renewal ng kanilang prangkisa.

--Ads--

Ayon kay Atty. Paul Mauricio, bagama’t maganda ang layunin ng ordinansa at tiyak na makatutulong ito sa mga tricycle driver, kailangan pa rin itong pag-aralan nang mabuti.

Aniya, dapat ding ikonsulta at icoordinate ito sa Committee on Finance upang malaman kung ito ay posible at kung kakayanin ba ng pondo ng pamahalaang lungsod ang pagkawala ng buwis mula sa sektor ng transportasyon.

Dagdag pa niya, kailangang magsagawa ng agarang pag-aaral kaugnay sa panukala upang masuri ang epekto nito hindi lamang sa kita ng lungsod kundi pati na rin sa mga benepisyaryo nito.

Naniniwala rin si Mauricio na sa pamamagitan ng panukala, maaaring mabawasan ang bilang ng mga colorum na tricycle sa lungsod dahil mas maeengganyo ang mga driver na magparehistro kung wala nang kailangang bayaran.