--Ads--

Isang babae sa San Jose, California ang nakararanas ng kakaibang problema matapos makatanggap ng sunod-sunod na package mula sa Amazon sa loob ng halos isang taon—mga package na hindi naman niya inorder.

Ayon sa babae, na humiling na manatiling hindi pinangalanan, araw-araw siyang pinapadalhan ng mga kahon na may lamang car seat cover mula sa brand na Etkin. Sa sarili niyang pagsisiyasat, nalaman niyang ang Etkin ay produkto ng isang Chinese Amazon seller na si “Liusandedian,” na tila ginagamit ang kanyang tirahan bilang return address para sa mga customer na hindi nasiyahan sa kanilang binili.

Kahit ilang beses na siyang nagreklamo at pinangakuan ng aksiyon ng Amazon, patuloy pa rin ang pagdating ng mga package. Nitong nakaraang linggo, personal nang pumunta sa kanyang bahay ang mga kinatawan ng Amazon upang kolektahin ang mga padala at nangakong lulutasin na ang problema.

Ayon sa mga eksperto, maaaring bahagi ito ng tinatawag na “brushing scam,” kung saan nagpapadala ang mga seller ng produkto sa mga hindi totoong customer para makalikha ng pekeng positibong review. May mga kaso rin kung saan ginagamit ang random na address upang maipadala ang mga sirang o hindi nabentang item para makaiwas sa bayad sa storage ng Amazon.

--Ads--

Hindi ito ang unang ulat ng ganitong pangyayari. Isang lalaki sa California na si John DeFiore ang nakatanggap ng dose-dosenang hindi inaasahang package noong nakaraang taon. Sa Canada, isang babae ang nagulat nang makatanggap ng mahigit 1,000 condom, habang sa Virginia naman, higit 100 package ang dumating sa bahay ni Cindy Smith—na pinaniniwalaang bahagi rin ng scam na ito.