--Ads--

Hindi gawain ng isang malapit na kaalyado ang pagpapataw ng malaking taripa sa kaibigan nitong bansa.

Ito ang inihayag ng grupo ng mga magsasaka matapos patawan ni United States President Donald Trump ng 20% na taripa ang mga produkto mula sa Pilipinas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Leonardo Montemayor, Chairman of the Board ng Federation of Free Farmers, sinabi niya na laging sinasabi ng mga matataas na opisyal ng US na mahigpit ang partnership nito sa Pilipinas pagdating sa defense at economics subalit taliwas aniya ito sa ikinikilos ng Estados Unidos.

Bagaman mayroong $5 billion deficit ang US sa kalakaran nito sa Pilipinas ay maliit lamang ito kung ikukumpara sa kabuuang trade relationship nito sa buong mundo lalo na at malaki ang ekonomiya ng US.

--Ads--

Aniya, ang malaking pinagmumulan ng deficit ng US ay ang pag-export ng Pilipinas ng mga non-agricultural products subalit pagdating sa agricultural products ay malaki ang kalamangan ng US sapagkat ang iniluluwas ng Pilipinas ay umaabot ng $1.5Billion na halaga ng mga produkto ngunit halos doble naman ang iniimport ng bansa mula sa Estados Unidos.

Umaasa naman si Montemayor na hindi isasakripisyo ng mga Negotiators ng Pilipinas ang agriculture sektor ng bansa upang mapababa ang ipinataw na taripa ni Trump sa bansa gaya na lamang ng pagpapababa ng taripa sa mga agricultural exports ng US.

Kapag nangyari ito ay mas lalong tataob ang sektor ng agrikultura sa bansa dahil babagsak ang presyo ng mga prduktong pang-agrikultura sa bansa.

Hindi rin dapat basta umasa na lang lagi ang Pilipinas sa kalakalan nito sa US dahil marami namang ibang bansa ang interesado sa ilang produkto ng Pilipinas gaya na lamang ng coconut products.