--Ads--

CAUAYAN CITY- Patuloy na minomonitor ng mga opisyal sa Barangay Manaoag, Gappal, at Dianao sa Cauayan City ang operasyon ng isang poultry farm na iniulat na nakaapekto sa libo-libong residente noong nakalipas na buwan.

Matatandaan na naipaabot na sa Bombo Radyo Cauayan ang reklamo ng mga residente kaugnay sa pagdami ng langaw sa kanilang lugar, na ayon sa kanila ay iisang poultry farm lamang ang pinagmumulan.

Ayon sa mga residente, nagdulot ito ng pangamba sa kalusugan, lalo na’t nahihirapan silang kumain ng maayos dahil sa presensya ng mga langaw.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Sonny Nonan ng Barangay Manaoag, sinabi niyang hindi naman araw-araw nararanasan ang problema sa langaw, dahil nakatali ito sa harvest season ng naturang farm.

--Ads--

Nilinaw din niya na bagama’t nasa Barangay Dianao ang poultry farm, umaabot pa rin ang langaw sa Manaoag at Gappal. Isa lamang aniya ang poultry farm sa naturang lugar, at regular na ang ginagawang koordinasyon sa pagitan ng mga barangay officials upang matukoy ang mga hakbang tuwing harvest season.

Ibinahagi rin ni Nonan na may mga pagbisita na mula sa Public Order and Safety Division (POSD), City Council, Sanidad, at iba pang ahensya. Napagsabihan na rin ang pamunuan ng poultry farm na magsagawa ng spraying sa paligid nito upang maiwasan ang pagdami ng langaw.

Sa kasalukuyan, nananatiling normal ang sitwasyon sa Barangay Manaoag dahil hindi pa harvest season. Gayunpaman, nakatakda nilang muling balikan ang poultry farm upang alamin kung may mga isinagawang pagbabago.