--Ads--

CAUAYAN CITY- Handa ang Lokal na Pamahalaan ng Cauayan na makipag-ugnayan sa pamunuan ng pribadong pamilihan upang matugunan ang problema sa madalas na pagbaha bunsod ng baradong drainage canals.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Caesar Dy Jr., inilahad niya na kamakailan lamang ay personal siyang nagtungo sa private market upang silipin ang sitwasyon at pakinggan ang hinaing ng mga vendor.

Aniya, sa nasabing pagbisita ay nakita ang pag-ipon ng basura sa drainage canals ng Primark, na siyang nagdudulot ng pagbaha tuwing malakas ang ulan. Binigyang-diin ng alkalde na mahalaga ang pagtutulungan upang masolusyunan ang suliranin sa pamamahala ng basura.

Nanawagan din si Mayor Dy sa mga vendor na maging responsable sa pagtatapon ng kanilang basura upang maiwasan ang paglala ng sitwasyon at hindi masisi ang LGU sa problema sa pagbaha.

--Ads--

Nakasaad sa plano ng LGU ang pagbuo ng isang pagpupulong kasama ang mga kinatawan ng pribadong pamilihan upang pag-usapan ang mga hakbangin, partikular sa pagsasaayos ng drainage system sa lugar.