--Ads--

Nakahanda na ang Commission on Elections sa pagsisimula ng voters’ registration sa unang araw ng Agosto na magtatapos hanggang sa Agosto 10.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jerbee Cortez, Assistant Regional Director ng Comelec Region 2, sinabi niya na nagsagawa na ng seminar ang kanilang hanay na upang maihanda ang mga election officers sa muling pagbubukas ng voters’ registration.

Para sa mga magpaparehistro, kinakailangan lamang magdala ng valid ID bilang requirement sa pagpapatala.

Nilinaw naman ni Atty. Cortez na tanging registration, reactivation at correction lamang ang maaaring gawin sa voters’ registration sa Agosto at mahigpit na ipagbabawal ang pag-transfer ng isang botante sa ibang lugar.

--Ads--

Aniya, matuloy man o hindi ang Barangay and SK Elections sa Disyembre ay tuloy pa rin ang pagpaparehistro.

Kung matatandaan, pasado na sa Senado ang panukalang pagpapalawig sa termino ng mga barangay at SK officials at kung sakali mang lagdaan ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay maipagpapaliban hanggang sa susunod na taon ang halalan.