Binalikan ng isang local historian ang naitalang malakas na pagyanig o killer quake noong ika-16 ng Hulyo 1990 sa ika-35 na anibersaryo nito ngayong araw.
Noong Hulyo 16, 1990, isang malakas at mapaminsalang lindol ang yumanig sa malaking bahagi ng Luzon. Sa lakas nitong magnitude 7.8, ito ay itinuring na isa sa pinakamalalakas na lindol sa kasaysayan ng Pilipinas. Tumagal lamang ng halos 45 segundo ang pagyanig, ngunit ang iniwang pinsala ay tumatak sa buong bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Troy Alexander Miano, local historian at Regional Director ng Department of Tourism Region 2, sinabi niya na pinakamatinding naapektuhan ang mga lungsod ng Baguio, Dagupan, at Cabanatuan, kung saan maraming gusali ang gumuho at libu-libong buhay ang naapektuhan. Naramdaman din ang pagyanig hanggang sa Kamaynilaan.
Ayon kay Dr. Miano, nasaksihan at naramdaman niya mismo ang pagyanig habang nasa paaralan noong siya ay nasa ikalawang taon sa sekondarya. Iyon aniya ang pinaka-una at pinakamalakas na lindol na kaniyang naranasan.
Mainam na lang aniya at regular ang ginagawang earthquake drill sa kanilang paaralan noon kaya wala masyadong naging problema noong kasagsagan ng lindol dahil praktisado ang mga guro at estudyante sa kaniyang eskwelahan.
Ang pagyanig noong 1990 ang nag-udyok sa pamahalaan at paaralan na magkaroon ng regular na earthquake drill bilang paghahanda sa mga ganitong klase ng trahedya. Marami kasi ang nasawi sa naturang lindol at ilang mga tanyag na gusali ang gumuho. Ito rin ang simula sa pilipinas ng paggawa ng matitibay na mga gusali.
PAGBABALIK-TANAW
Sa Baguio City, daan-daang estudyante at residente ang na-trap sa mga bumagsak na estruktura. Isa sa mga nakaligtas ay si Maria Teresa Lopez, isang estudyante ng University of Baguio. Ayon sa kanya, nasa loob siya ng silid-aralan nang biglang gumalaw ang sahig at bumagsak ang kisame.
Nagdilim ang paligid dahil sa alikabok at sigawan ng mga tao ang umalingawngaw. Sa Cabanatuan naman, isang paaralan ang gumuho habang may klase, na naging dahilan ng pagkamatay ng maraming mag-aaral.
Isang batang lalaki ang himalang naligtas matapos magsilbing panangga ang kanyang desk—ang kanyang larawan habang inililigtas ay naging simbolo ng pag-asa sa gitna ng trahedya.
Sa kabuuan, tinatayang mahigit 1,600 katao ang nasawi at libo-libo ang nasugatan. Maraming lugar ang nawalan ng kuryente at naputol ang komunikasyon, kaya’t nahirapan ang mga awtoridad sa koordinasyon ng tulong.
Ngunit sa kabila ng pinsala, lumutang ang diwa ng bayanihan. Mga sundalo, volunteers, at karaniwang mamamayan ang nagtulong-tulong sa pagsagip ng mga biktima.
Sa Baguio, kinailangan pang gumamit ng helikopter upang maihatid ang mga pagkain, gamot, at iba pang ayuda dahil hindi madaanan ang mga pangunahing kalsada.
Hanggang ngayon, patuloy ang paggunita sa trahedyang ito bilang paalala ng kahalagahan ng kahandaan, at bilang pagpupugay sa katatagan ng sambayanang Pilipino.











