--Ads--

Nakapreposition na ang mga family food packs ng DSWD sa Region 2 bilang paghahanda sa bagyong Crising.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2 sinabi niya na isa ang Rehiyon Dos sa maaring tamaan ng bagyong Crising na kasalukuyan pang nasa silangang karagatan ng bansa kaya agad nang naghanda ang ahensya sa mga kakailanganin sa pagtama ng bagyo.

Isa na rito ang pagpreposition ng mga family food packs sa mga Local Government Units o LGUs lalo na sa mga malalayong lugar tulad ng Batanes at sa mga coastal municipalities tulad sa coastal areas ng Isabela at Cagayan.

Aniya may mga LGUs na nagamit na ang ilan nilang family food packs na pinalitan ng DSWD.

--Ads--

Sa ngayon mayroong P162.5 milyon na standby fund at naipreposition na family food packs at non-food items stockpile ang DSWD Region 2.

Sa nasabing pondo ay may P3 milyon na standby fund na pwedeng gamitin sa emergency purchase ng family food packs.

Aniya naging maagap na ang ahensya sa pagdeliver ng mga food packs lalo na sa mga malalayong lugar tulad ng Batanes at iba pang coastal areas dahil kapag naramdaman na ang epekto ng bagyo ay mahirap nang mapuntahan ang nasabing lugar.

Mayroon din silang Mobile Command Center na may mga gamit sa real time reporting ng kanilang tanggapan patungo sa DSWD Central Office.

Ang report na ito ang gagawing basehan ng NDRRMC sa pagpaplano ng interbensyon sa kalamidad.