Muling nagpaabot ng abiso ang Commission on Elections (Comelec) Cauayan ukol sa panibagong iskedyul ng voter’s registration.
Matatandaang una nang inanunsyo ng Comelec na ang registration ay gaganapin mula Hulyo 1 hanggang 11, 2025. Ngunit ito’y inilipat sa pagitan ng Oktubre 2025 hanggang Hulyo 2026. Sa pinakahuling pagbabago, itinakda na ito sa Agosto 1 hanggang 10, 2025.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Vallejo, City Election Officer ng Cauayan City, sinabi niyang araw-araw ay may mga lumalapit sa kanilang opisina upang magtanong tungkol sa pagpaparehistro. Marami na rin aniya sa mga residente ang nalilito sa paulit-ulit na pagbabago ng iskedyul.
Ayon kay Atty. Vallejo, muling inayos ang schedule dahil wala pang malinaw na desisyon kung lalagdaan ni Pangulong Marcos ang panukalang palawigin ang termino ng mga barangay at SK officials. Mas piniling maging handa ng Comelec sakaling matuloy pa rin ang Barangay at SK Elections sa Disyembre 2025.
Nilinaw din niya na ang voter’s registration mula Agosto 1 ay nakalaan lamang para sa mga nais magpa-correct ng datos, magpa-reactivate, at para sa mga first-time voters. Tinanggap na rin muli ang mga dating OFWs na gustong muling magparehistro sa kanilang bayan, subalit hindi kabilang dito ang mga nais lumipat ng barangay o lungsod.
Dagdag pa niya, ang mga kabataang edad 14 hanggang 15 sa mismong araw ng eleksyon ay maaaring magparehistro para sa SK elections. Bukas ang registration tuwing Lunes hanggang Linggo, pati na rin sa mga holiday. Inaasahan naman ng Comelec na mahigit 2,000 indibidwal ang magpaparehistro sa lungsod.











