Plano ngayon ng Pamahalaang Lungsod ng Cauayan na magtalaga ng karagdagang psychiatrist sa City Health Office 2 upang matugunan ang pangangailangan ng libo-libong residente na nakararanas ng mental health issues.
Ayon kay Sangguniang Panlungsod Member Bagnos Maximo Jr., lumalala na ang pangangailangan para sa mga mental health professionals sa lungsod. Aniya, may nakalaang pondo mula sa PhilHealth para sa sahod ng psychiatrist, kaya’t hindi ito kukunin mula sa pondo ng lokal na pamahalaan.
Inaasahang maglilingkod ang psychiatrist isang araw bawat buwan, tuwing ikalawang Martes, bilang bahagi ng kanilang serbisyo. Hindi na rin aniya problema sa LGU ang pagbibigay ng P15,000 na honorarium kapalit ng serbisyong makatutulong sa mga pasyenteng may depresyon, anxiety, at iba pang mental health conditions.
Ang planong ito ay bahagi ng pagpapalakas sa monthly mental health caravan ng City Health Office, kung saan libreng gamot at konsultasyon ang iniaalok sa mga mamamayan. Layunin ng programa na bigyan ng agarang atensyon ang mga nangangailangan upang maiwasan ang mas seryosong epekto ng mga personal na suliranin sa kalusugan ng isip.











