--Ads--

Bumuo na ang Philippine Coast Guard (PCG) Northeastern Luzon ng search and rescue team na ide-deploy sakaling kailanganin sa pagdating ng bagyong Crising.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Coast Guard Ensign Ryan Joe Arellano ng PCG North Eastern Luzon, sinabi niyang handang-handa na ang kanilang mga kagamitan para sa anumang rescue operations.

Isa sa kanilang pangunahing paghahanda ay ang pagbuo ng search and rescue teams na agad tutugon sa mga komunidad kapag naramdaman na ang epekto ng bagyo.

Sa ngayon, may limang deployable response groups na ang nakahanda, kasama na ang mga communication equipment at mga sasakyang panglupa at pandagat na gagamitin para sa posibleng rescue operations sa mga maaapektuhang lugar.

--Ads--

Bawat substation ng PCG ay may kanya-kanyang deployable response groups na nakastandby na rin ngayon.

Bagamat may abiso na ang PCG sa kanilang mga istasyon kaugnay sa posibleng pagpapatupad ng no sail policy, wala pa silang inilalabas na direktang kautusan dahil maganda pa ang lagay ng panahon kahapon.

Muli namang nagpaalala si Arellano sa publiko na maging mapagmatyag, tiyaking handa ang mga gamit para sa sakuna, at manatili sa mga ligtas na lugar oras na maranasan ang epekto ng bagyong Crising.