--Ads--

Patuloy ang paghahanda ng pamahalaang panlalawigan ng Batanes sa posibleng epekto ng bagyong Crising.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Roldan Esdicul, sinabi niyang maagap ang ginagawang paghahanda ng pamahalaan, lalo na’t kamakailan lang ay bahagyang naapektuhan ang lalawigan sa pagdaan ng bagyong Bising.

Nagsagawa na rin sila ng pre-disaster risk assessment upang maihanda ang iba’t ibang response assets na kakailanganin sakaling maramdaman na ang epekto ng bagyo.

Ayon kay Esdicul, kanya-kanyang ayos na rin ang mga mamamayan sa pagpapatibay ng mga bubong ng kanilang bahay gamit ang tinatawag nilang “tapangko,” upang hindi matangay ng malalakas na hangin.

--Ads--

Ang ilan sa mga residente ay hindi na inaalis ang kanilang mga “tapangko” dahil sa madalas ng pagtama ng bagyo sa Batanes.

Pagdating sa sektor ng agrikultura, ginagawa nang praktis ng mga magsasaka ang maagang pagtatanim upang maiwasan ang pinsala tuwing panahon ng bagyo.

Samantala, kahapon ay ang huling araw ng biyahe ng mga eroplano, at ilang flights, partikular na ang patungong Tuguegarao City, ay kinansela na upang maiwasan ang posibleng panganib dulot ng masamang panahon.

Pansamantalang sinuspinde na rin ang biyahe ng mga sasakyang pandagat dahil sa nararamdamang epekto ng bagyo sa karagatang sakop ng Batanes at Cagayan.

Wala naman umanong naitalang mga na-stranded na pasahero dahil nakauwi na ang mga naunang naantala ng bagyong Bising bago pa man kanselahin ang mga biyahe kaugnay ng bagyong Crising.

Muling nagpaalala si Esdicul sa mga residente ng Batanes na palaging magmonitor sa mga update ukol sa bagyo upang maging handa at makaiwas sa anumang panganib.