--Ads--

Inanunsyo ng Land Transportation Office (LTO) Cauayan City na mayroon na silang sapat na suplay ng mga plaka para sa pamamahagi sa mga motorista.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Deo Salud, hepe ng LTO Cauayan City, sinabi niyang nagpadala ang LTO Central Office ng kabuuang 899 piraso ng mga plaka para sa mga sasakyan, partikular na sa mga motorsiklo.

Sa nasabing bilang, 127 piraso na ang naipamahagi sa mga rehistradong may-ari. Ibig sabihin, nakakapaglabas na ngayon ang kanilang tanggapan ng humigit-kumulang 31 plaka kada araw.

Tiniyak din ni Salud na may paparating pa silang karagdagang supply mula sa Central Office upang tuluyan nang mabawasan at mapunan ang backlogs sa plaka.

--Ads--

Layunin ng ahensya na mapalitan ang lahat ng lumang disenyo ng plaka ng mga sasakyan na inilabas noong taong 2017 pababa.

Hinikayat ni Salud ang mga may-ari ng sasakyang wala pang plaka, pati na rin ang may mga lumang disenyo ng plaka, na magtungo sa kanilang opisina upang palitan ito ng bagong disenyo.

Ayon sa kanya, mas malaki na at mas malinaw na ngayon ang bagong disenyo ng plaka, at pinaikli rin ang mga numero para sa mas madaling pagkakakilanlan.

Sa pagpunta sa tanggapan ng LTO Cauayan, kinakailangan lamang dalhin ang Official Receipt (OR), Certificate of Registration (CR), at isang valid ID bilang patunay ng pagmamay-ari ng sasakyan o motorsiklo.