--Ads--

Arestado sa ikatlong pagkakataon ang isang bartender matapos mahuling sangkot sa pagtutulak ng ilegal na droga sa Barangay San Fermin, Cauayan City.

Ang suspek ay itinago sa alyas na “Bisi”, 37-anyos, at residente ng Barangay Nuesa, Roxas, Isabela.

Batay sa impormasyon mula kay alyas Bisi, na tumangging magpa-tape interview, una na siyang nakulong sa San Manuel, Isabela noong 2016 dahil sa kasong may kinalaman sa droga. Muli umano siyang nakulong noong 2023 sa bayan ng Roxas sa parehong kaso.

Aminado si Bisi na gumagamit pa rin siya ng ilegal na droga ngunit mariin niyang itinanggi ang paratang ng pulisya na siya ay nagbebenta nito. Giit niya, wala siyang dalang ilegal na droga sa oras ng insidente at inutusan lamang siyang magpa-cash in nang siya’y biglang arestuhin.

--Ads--

Malungkot niyang inamin na labis ang kanyang panghihinayang dahil ito na sana ang huling pagkakataong ibinigay sa kanya upang magbago habang siya ay nasa ilalim ng probation.

Ayon pa sa kanya, isang beses kada linggo siyang gumagamit ng ilegal na droga na umano’y binibili niya mula sa isang kaibigan.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, P1,000 boodle money, cellphone, lighter, iba pang personal na gamit, at isang motorsiklong ginamit sa transaksyon.

Naaresto si Bisi sa isang buy-bust operation kung saan isang pulis ang nagpanggap na buyer. Ayon sa pulisya, matagal na nilang minamanmanan ang suspek na dati nang naaresto sa iba’t ibang lugar sa parehong kaso.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.