--Ads--

Inihayag ng pamunuan ng Alicia Police Station na ang mga kabataang estudyanteng sakay ng motorsiklo ang may pagkukulang sa nangyaring banggaan ng motorsiklo at SUV sa bypass road ng Alicia, Isabela kahapon ng tanghali.

Ayon sa ulat, sangkot sa aksidente ang tatlong menor de edad na pawang mga mag-aaral mula sa isang pribadong paaralan sa nasabing bayan.

Batay sa impormasyon na nakuha ng Bombo Radyo Cauayan, bumangga ang sinasakyang motorsiklo ng mga estudyante sa likurang bahagi ng isang SUV na Toyota Fortuner.

Sa panayam kay Police Major Felix Mendoza, hepe ng Alicia Police Station, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na naganap ang insidente sa bahagi ng intersection ng bypass road. Nakatawid na umano ang SUV nang biglang salpukin ito sa likuran ng motorsiklong minamaneho ng isa sa mga estudyante.

--Ads--

Sa kanilang salaysay, umabot sa 60 km/h ang takbo ng motorsiklo nang mangyari ang insidente.

Agad namang dinala sa ospital ang tatlong estudyante na nagtamo ng mga galos sa katawan.

Naging maayos naman ang naging pakikipagtulungan ng may-ari ng SUV, na siyang sumagot sa gastos sa pagpapagamot ng mga nasugatang estudyante.

Ayon pa kay PMaj. Mendoza, nagkaroon na ng pag-uusap ang magkabilang panig at napagkasunduang tulungan na lamang ang dalawang estudyante.

Nilinaw din ng opisyal na hindi tumakas ang tsuper ng SUV. Inakala lamang umano nitong humps ang kanyang nadaanan at hindi niya agad namalayang may bumangga sa kanyang sasakyan.

Nakalayo lamang ito ng ilang metro mula sa lugar ng insidente bago bumalik upang tumulong at maisugod sa ospital ang mga estudyante.