--Ads--

Inatasan ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang lahat ng lokal na pamahalaan sa bansa na magpasa ng ordinansa na magpapataw ng mabigat na parusa laban sa mga tumatawag ng prank o maling ulat sa 911 emergency hotline.

Ang direktiba ni Remulla ay kaugnay ng nalalapit na pagsisimula ng implementasyon ng Nationwide Unified Emergency 911 System sa darating na Agosto.

Kabilang sa mga mungkahing parusa ang multa at pagkakakulong para sa mga mapatutunayang gumamit ng emergency line sa hindi tamang paraan.

Ayon kay Remulla, mahalagang magkaroon ng kaakibat na monetary fine at jail time upang matigil na ang mga gumagawa ng kalokohan at abala sa mga tunay na emergency call.

--Ads--

Ipinunto rin ng kalihim na ang bagong 911 system ay may kakayahang mag-track ng tumatawag gamit ang teknolohiyang geofence at geo-data, kaya’t mabilis matutukoy at mahuhuli ang mga prank caller.

Sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727, ang sinumang mahuling nagpapakalat ng maling impormasyon ay maaaring makulong ng hanggang limang taon at pagmultahin ng hanggang ₱40,000.

Ang pagpapalakas ng Emergency 911 System ay bahagi ng mas malawak na hakbang ng administrasyong Marcos upang mapabilis ang pagtugon ng mga awtoridad sa panahon ng sakuna o panganib, at matiyak ang kaligtasan ng publiko.