Dalawang social media chef mula sa United Kingdom ang matagumpay na nakaluto ng pinakamalaking scotch egg sa buong mundo, na tumimbang ng 17 pounds at 3.48 ounces o halos 7.8 kilo.
Opisyal na kinilala ang kanilang tagumpay bilang bagong world record.
Sina Phoenix Ross at Oli Paterson ang nasa likod ng proyektong ito na isinagawa sa Enfield, England. Layunin nilang talunin ang dating Guinness World Record na 13 pounds at 10 ounces, na hindi nabago sa loob ng halos dalawang dekada.
Para sa kanilang higanteng scotch egg, gumamit sila ng dalawang itlog ng ostrich. Ang scotch egg ay isang tradisyonal na pagkaing Briton na binubuo ng nilagang itlog na binalot sa giniling na karne, tinakpan ng breading at bread crumbs, at pagkatapos ay pinirito.
Aminado ang dalawang chef na nabigo sila sa kanilang unang subok matapos masira ang scotch egg habang inaalis ito mula sa kumukulong mantika. Sa kanilang ikalawang pagtatangka, matagumpay nilang nailuto ito, na may circumference na umabot sa 31.3 pulgada.
Matapos tikman ang kanilang obra, sinabi nina Ross at Paterson na itinabi nila ang natirang bahagi sa refrigerator upang gawing mga frozen breakfast burrito.











