Natagpuang wala nang buhay ang isang 33-anyos na ina na nakabitin gamit ang lubid habang ang kanyang 1-taong gulang at 5-buwang sanggol ay natagpuang patay rin sa double-deck na higaan sa loob ng kanilang inuupahang silid sa Sitio Nangka, Barangay Barrio Luz, Cebu City.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Mabolo Police Station, kamakailan lamang lumipat sa lugar ang mag-iina na sinasabing mula sa lungsod ng Bogo.
Nakuha sa loob ng silid ang isang identification card na ginamit upang makumpirma ang pagkakakilanlan ng babae.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay “Jane,” kapitbahay ng mag-iina sinabi nitong una nilang inakala na ang naaamoy nilang mabaho ay mula lamang sa patay na daga.
Hindi umano nila inasahang may trahedyang naganap lalo pa’t tahimik at walang anumang kakaibang ingay mula sa naturang silid.
Ayon sa ulat, ang anak ng may-ari ng bahay ay nagtungo sa inuupahang silid upang ayusin ang koneksyon sa kuryente ngunit agad nitong naamoy ang masangsang na amoy sa lugar.
Kumatok pa ito sa pintuan ngunit walang sumagot dahilan upang humingi na ito ng tulong sa mga opisyal ng barangay.
Pwersahang binuksan ng mga kawani ng barangay kasama ang isang konsehal ang silid at doon nila nadiskubre ang wala nang buhay na sanggol na may senyales ng pagkabulok habang ang ina naman ay natagpuang nakabitin sa lubid na nakapulupot sa leeg at nakakabit sa tapat ng higaan.
Ikinuwento ni Barangay Konsehal Carl Arnoco ang kanilang ginawang aksyon mula sa pagtanggap ng reklamo hanggang sa aktwal na pagbubukas ng silid kung saan natagpuan ang mag-ina na wala nang buhay.
Sa kasalukuyan patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy kung may foul play na sangkot sa pagkamatay ng mag-ina.
Via Bombo Cebu







